December 19, 2024

1 patay sa pagguho ng 8 bahay sa Valenzuela

TODAS ang isang bedridden na lolo matapos gumuho ang nasa walong kabahayan dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.


Binawian ng buhay habang ginagamot sa Philippine Orthopedic Hospital (POH) sanhi ng pagkabali ng tadyang ang biktimang si Reynaldo Maraya, 65 ng 2062 Feliciano St., Brgy. Mapulang Lupa.


Lumabas sa imbestigasyon na dakong alas-5:40 ng Linggo ng hapon nang gumuho ang nasa walong kabahayan sa S. Feliciano St. Brgy., Mapulang Lupa dahil umano sa paglambot ng lupa dala ng patuloy na pagbuhos ng ulan na naging dahilan upang magkaroon ng pinsala ang biktima.


Isinugod ang biktima sa Valenzuela Medical Center at inilipat sa POH subalit, namatay din ito kinaumagahan habang nasa 28 naman na mga pamilya ang apektado ng pagguho na dinala sa evacuation centers samantala, ang iba ay pansamantalang tumutuloy sa kanilang mga kaanak.


Kaagad namang nagtungo sa lugar si Mayor Wes Gatchalian para alamin ang kalagayan ng mga apektadong pamilya habang kinurdonan naman ng mga tauhan ng barangay at mga pulis ang naturang lugar upang mapigilan ang mga tao na lumapit dahil sa mapanganib.


Sasagutin naman ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang bayarin sa hospital ng biktima at magbibigay ng burial assistance at magbibigay din ito ng tulong pinansyal na tig-P10,000 sa bawat apektadong pamilya


Nagbigay din tulong sa mga apektadong pamilya ang Department of Social Welfare and Development Office (DSWD) na mga hygiene kits, sleeping kits, kitchen kits, food boxes, grocery bags at bigas habang magbibigay din ng financial assistance si Sen. Win Gatchalian at DSWD Secretary Rex Gatchalian.

Nakipagpulong na rin si Mayor WES sa National Grid Corporation of the Philippine (NGCP) at hiniling sa kanila na magbigay ng tulong sa mga apektadong pamilya.