NASAWI ang isang 16-anyos na binatilyo na may comorbidities habang 22 iba pa ang naospital matapos makaranas ng hirap sa paghinga dahil sa pagtagas ng ammonia sa isang cold storage facility sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat, dakong alas-10:50 ng Lunes ng gabi nang maganap ang insidente ng ammonia leak sa Icy Point Cold Storage sa Brgy., Northbay Boulevard North kaya agad na lumikas ang mga residenteng nakatira malapit sa lugar habang alas- 12:06 naman ng madaling araw nang sinundan ng pagsiklab ng sunog sa kalapit na mga kabahayan.
Agad rumesponde sa naturang lugar ang City DRRMO-Joint Rescue Team, BFP-Navotas, at mga fire volunteer kung saan unang pinagtulungan ng mga ito na ma-secure ang mga apektado ng ammonia leak at pag-apula ng apoy.
Nagtungo din sa lugar si Cong. Toby Tiangco, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez at Chief NCDRRMO Vonne Villanueva para imonitor ang insidente at magbigay ng tulong sa apektadong mga pamilya.
Ayon sa Navotas City Public Information Office (PIO), dakong ala-1:42 ng Martes ng madaling araw nang ma-secure ng joint rescue team ang control valve para tumigil ang pagtagas ng ammonia habang ala-1:57 ng madaling araw nang idineklarang fire out ng BFP ang sunog.
Matapos ang insidente, nag-uwian na sa kani-kanilang bahay ang mga residente habang isinugod naman ang 22 katao, kabilang ang 11 menor-de-edad sa Navotas City Hospital (NCH) at Tondo Medical Center (TMC).
Isinugod din sa MCU hospital ang 16-anyos na binatilyo subalit, namatay din ito kalaunan sa kakapusan ng hininga dahil sa ammonia inhalation habang ayon sa huling ulat ay dalawang pasyente nalang ang nanatili sa NCH.
Iniutos naman ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pamumuno ni Mayor John Rey Tiangco ang pansamantalang pagsasara ng Icy Point Cold Storage habang nakabinbin ang imbestigasyon na isasagawa ng BFP-Navotas, City Health Office, Sanidad, City Environment & Natural Resources Office, at Business Permits and Licensing Office.
Nagtalaga din ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng mga health workers at naka-standby na ambulansya sa lugar para magbigay ng agarang pangangalagang medikal, kung kinakailangan.
More Stories
Matapos hiwalayan ng asawa… CHLOE SAN JOSE MAY BUWELTA KAY AI-AI: ‘BACK TO YOU, MAMANG’
NON-COMPLIANT ONLINE STORES IPA-‘PADLOCK’ NG BIR
PNP HANDANG TUMULONG SA POSIBLENG PAG-ARESTO NG INTERPOL KAY DIGONG