
TERESA, RIZAL — Isa ang nasawi at dalawa ang sugatan sa isang insidente ng pamamaril na naganap sa kahabaan ng Pantay Road, Barangay Bagumbayan, Teresa, Rizal bandang alas-5:35 ng hapon nitong Hunyo 7, 2025.
Batay sa inisyal na ulat ng Teresa Municipal Police Station, ang mga biktima ay lulan ng isang Kawasaki tricycle na may plakang 506XMC at pauwi mula sa BJMP Teresa patungong bayan ng Teresa nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang Yamaha NMAX.
Ayon sa mga imbestigador, armado ang mga suspek ng hindi pa matukoy na uri ng baril at pinaputukan ang mga biktima nang sunod-sunod. Sa insidente, isang hindi pa nakikilalang babae ang nasawi sa mismong pinangyarihan habang sina Shanna, 30-anyos, residente ng Barangay Bagumbayan, at Veronica ay kapwa nagtamo ng tama ng bala at isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Nakatanggap ng tawag ang Teresa Police Station mula sa isang concerned citizen dakong alas-6:40 ng gabi na agad namang rumesponde ang mga mobile patrol at imbestigador upang i-verify ang insidente.
Kasalukuyang nagsasagawa ng dragnet operation, CCTV backtracking, at humingi ng tulong mula sa Forensic Unit ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at masampahan ng kaukulang kaso.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin ang motibo sa likod ng krimen.
More Stories
MAS MARAMING ULO SA LTO, TUTUMBA SA ‘PEKENG’ DRIVING CERTIFICATES
Lalaki, Binugbog at Ninakawan ng Ka-inuman sa Cainta; 2 Suspek, Naaresto
BANGKAY INILUWA NG ILOG SA TAYTAY