June 6, 2025

₱450K HALAGA NG HIGH-GRADE MARIJUANA NASAMSAM SA MARIKINA

Tiklo ang isang hinihinalang tulak ng droga na nasa Street-Level Individual (SLI) watchlist matapos ang matagumpay na buy-bust operation noong gabi ng Hunyo 3, 2025 sa Barangay Malanday, Marikina City.

Kinilala ang suspek sa alyas “Ace,” 30 anyos, na naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Marikina City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ayon sa ulat, positibong nakipagtransaksyon si Ace sa isang poseur buyer ng pulisya, dahilan upang agad siyang arestuhin. Narekober mula sa kanya ang 7 sachet ng hinihinalang kush marijuana, 12 vacuum-sealed packs ng hinihinalang marijuana oil, 10 disposable cartridges na naglalaman ng marijuana oil, 10 medium-sized vacuum-sealed packs ng kush at ₱1,000 marked money

Tinatayang nasa 300 gramo ang kabuuang timbang ng nakumpiskang marijuana, na may halagang aabot sa ₱450,000.00, habang ang 22 milliliters ng marijuana oil ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱1,320.00.

Isinailalim na sa pagsusuri ng Eastern Police District Forensic Unit sa Mandaluyong City ang mga ebidensyang nakumpiska.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Custodial Facility ng Marikina City Police Station habang inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Patuloy ang kampanya ng NCRPO laban sa droga bilang bahagi ng layuning gawing ligtas at drug-free ang mga komunidad sa Metro Manila.