January 24, 2025

₱2.86-B PINSALA NI PAENG (Sa agrikultura)

Tinatayang aabot sa ₱2.86 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikulutura dulot ng bagyong Paeng, batay sa inisyal na taya ng Department of Agriculture.

Ayon sa DA, ang initial assessment ay sumasakop sa 82,830 ektarya ng lupa sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western at Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, at Soccsksargen.

Tinatayang nasa 74,944 magsasaka at mangingisda ang naapektuhan mula sa mga nabanggit na rehiyon. Umabot naman sa 111,831 metric tons (MT) ang naging volume of production loss.

Ayon sa ulat ng DA, kabilang sa mga naapektuhang produksyon ay ang bigas, mais, high value crops, livestock at poultry, at fisheries.

Samantala, nasa P133 milyon ang pinsala sa agricultural infrastructure. Sakop nito ang iba’t ibang laboratoryo at crop protection centers, irrigation systems, water impounding projects, at diversion dams. Ang pinsala naman sa machineries at equipment ay tinatayang nasa P235,000.

Ayon sa DA, may ipinagkakaloob na tulong ang ahensya para sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda. Kabilang dito ang pamamahagi ng rice, corn, at vegetable seeds; mga gamot at biologics para sa mga livestock at poultry.

Nagkakaloob din ang ahensya ng fingerlings at assistance sa mga apektadong mangingisda sa pamamagitan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Bukod dito, mayroon ding Survival and Recovery (SURE) Loan Program mula sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC), at Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.