
Valenzuela City — Sinira ng Department of Trade and Industry (DTI) nitong Huwebes, Hunyo 13, ang mahigit ₱110 milyon halaga ng substandard at delikadong lead-acid batteries sa isinagawang ceremonial destruction sa Pearl Island Industrial Compound sa Barangay Punturin.
Ayon sa ulat, kabuuang 21,403 piraso ng baterya ang winasak sa pangunguna ni Atty. Agaton Uvero, Assistant Secretary ng DTI Fair Trade Group at ng Fair Trade Enforcement Bureau.
“This activity forms part of DTI’s ongoing commitment to uphold product safety standards and ensure compliance with mandatory certification requirements,” ayon sa pahayag ng DTI.
Dagdag pa ng ahensya, layunin din ng aktibidad na ipakita sa publiko ang seryosong kampanya ng pamahalaan laban sa mapanganib at substandard na produkto sa merkado.
Walang Philippine Standard (PS) marks at Import Commodity Clearance (ICC) stickers ang mga bateryang nasamsam, isang malinaw na paglabag sa Republic Act 4109 o ang Product Standards Law.
Ang mga nasabing produkto ay nakumpiska noong Setyembre 2024 sa isang nationwide surveillance at enforcement operation, katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pamumuno ni Director Judge Jaime Santiago at NBI-NCR Director Ferdinand M. Lavin.
Ayon sa DTI, maaaring magdulot ng panganib sa kalikasan at buhay ng tao ang maling paggawa, hindi tamang paggamit, at kakulangan sa pagsusuri ng lead-acid batteries dahil maaari itong magresulta sa tagas ng kemikal, sunog, at iba pang environmental hazards. Tiniyak ng DTI na ipagpapatuloy nito ang pagbabantay at pagpapalakas ng kampanya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamimili laban sa mapanganib at hindi dekalidad na produkto sa merkado.
More Stories
SMB, Ginebra, at ROS Nag-aagawan ng Pwesto; Converge Nakapila na Lang
Green Energy Auction-4: Bid Registration Sisimulan sa Hunyo 16
Tulong sa mga apektadong OFW tiniyak… DMW NAKA-HEIGHTENED ALERT SA GITNA NG ISRAEL-IRAN CONFLICT