April 20, 2024

TOP 8 MOST WANTED NG NPD, NALAMBAT

NALAMBAT ang isang binata na listed bilang top 8 most wanted person ng Northern Police District(NPD) dahil sa kasong rape sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City.

Kinilala ang naarestong akusado bilang si Charles Benedic Reyes, 22 ng 35 Mallari St., Brgy. San Agustin, ng lungsod.

Batay sa imbestigasyon, nakatanggap ang mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng NPD ng impormasyon mula sa kanilang confidential informant na nakita ang akusado sa kanilang lugar kaya nag-dispatch sila ng mga operatiba sa lugar para i-verify ang naturang ulat.

Nang positibo ang ulat, kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation ang mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni PLT Reagan Ammen sa ilalim ng pangangasiwa ni PMAJ Rengie Diemos, kasama ang WSS ng Malabon police na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-8:30 ng umaga sa kahabaan ng Mallari St., Brgy. Agustin, Malabon City.

Ani Diemos, ang akusado ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong December 14, 2021 ni Judge Josie N. Rodil ng Regional Trial Court (RTC) Branch 293, Malabon City para sa kasong Rape at walang i-nirekomendang piyansa para sa kanyang pansamantalang kalayaan.