April 25, 2024

RAPIST NA TIYUHIN, TIMBOG SA CAVITE

Matapos ang mahigit tatlong taon na pagtatago, naaresto na ang lalaki matapos ireklamo ng panggagahasa sa menor de edad niyang pamangkin.

Sa operasyon ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nadakip ang suspek sa pinagtataguan nito sa Cavite.

Ayon sa ulat, 17-anyos ang biktima nang mangyari ang krimen noong 2017.

“Nakapag-file po ‘yung mga magulang (ng biktima) ng kaso noong April 2018 tapos nalabasan po ng warrant nitong May 2018, so yung suspect po, nagtago na ‘yan,” ayon kay Police Major Daniel Yemma, Deputy Provincial Officer ng CIDG–Cavite.

Ayon sa CIDG, lumipat ng tirahan ang suspek at kinalaunan ay nag-apply bilang delivery rider nang lumamig ang kaso.

Mariin namang itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

Sinabi pa ni Yemma na idinahilan umano ng suspek na hindi niya alam na may kaso siya.

“Pero warrant of arrest po ‘yan eh. Hindi naman po puwedeng sabihin na hindi niya alam,” anang opisyal.