March 28, 2024

P1M, pabuya sa makapagtuturo sa suspek sa Boac rape-slay case

Nag-alok si Senator Raffy Tulfo ng P1 milyong pabuya sa makapagbibigay ng anumang impormasyon para sa ikadarakip ng suspek na pumatay sa 21-anyos na lalaki at nang-rape sa 17-anyos nitong kasintahan habang nagka-camping sa Boac, Marinduque.

“Mariin kong kinokondena ang karumal-dumal na pagpatay sa isang 21-anyos na lalaki at walang habas na pag-gahasa naman sa kanyang menor de edad na nobya ng isang hindi pa nakikilalang suspek. Walang konsensya ang gumawa ng ganitong karumal-dumal at kalunos-lunos na krimen,” ayon sa senador.

“Kaya ako po ay magbibigay ng P1 milyong pabuya, totoo po ito, sa ikadarakip ng suspek, basta’t sigurado ako na talagang ang may sala ang madarakip at mapananagot,” Tulfo said in a statement. “Anumang impormasyon na makakatulong upang madakip ang may sala ay ipagbigay alam lamang po sa aking tanggapan at opisina,” saad niya.

Ayon sa ulat, naganap ang pag-atake bago mag-alas-2:00 ng madaling araw noong Biyernes sa Barangay Ihatub.

Saad ng biktimang babae sa pulisya na pinasok ng suspek ang kanilang tent at sinaksak ang kanyang boyfriend. Nagawa pa nitong makatakbo pero naabutan siya ng suspek at ginahasa. Nagtamo rin siya ng sugat sa leeg,” dagdag pa nito.

Tinangay din ng suspek ang kanilang pera at cellphone.