April 20, 2024

‘One Punch’, Dominican Republic pug Elvis Rodriguez, wagi kontra Dennis Okoth

Pinatunayan ni unbeaten boxer Elvis Rodriguez na siya ang hari ng lona nang daigin si Dennis Okoth. Pinatumba ng 24-anyos na si Rodriguez si Okoth sa pamamagitan ng brutal one-punch knockout sa second round.

Tinamaan ng malakas na straight left si Okoth (4-4-1, 2 KO’s) mula sa bira ng Dominican Republic boxer. Mahilo-hilo ang 26-anyos na si Okoth pagkatapos na bumagsak sa lona. Agad namang itinigil ng referee ang laban.

Idinaos ang laban sa Viva Las Vegas kung saan walang audience na nanood. Hindi naman makapaniwala ang kampo ni Okoth sa nangyari.

Si Rodriguez sa ngayon ay mayroong 8 panalo sa kanyang pro career (8-0-1). Ang nakakamangha, lahat ng ito ay sa pamamagitan ng knockout. Ang laban niya kay Okoth ay ikalawa na ngayong buwan ng Hulyo.

Una kay Okoth, nagwagi rin siya kontra Danny Murray noong July 2. Nakatakda uli siyang lumaban sa August 29 bilang undercard sa Jose Ramirez vs Viktor Postol bout.

Ang southpaw na si Rodriguez ay alaga ni Freddie Roach, na nagti-training din kay Fighting Congressman Manny Pacquiao.