March 29, 2024

Obrero na pagala-gala habang armado ng baril sa Malabon, pinosasan

SA kulungan ang bagsak ng isang construction worker matapos maaktuhan ng mga pulis na may bitbit na baril habang gumagala sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong suspek na si Noel Roman, 36, construction worker ng Block 40-I, Lot 11, Phase 3-E2, Barangay Longos, Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen Ponce Rogelio Peñones Jr, sinabi Col. Daro na habang nagsasagawa ng routine patrol ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa Brgy. Longos nang isang BIN informant ang lumapit at inireport sa kanila ang suspek na armado ng baril habang gumagala sa kaabaan ng C4 Road.

Kaagad rumesponde sa nasabing lugar ang mga pulis kung saan nakita nila ang suspek na tila may inaabangan sa kanto ng Pampano St., Brgy. Longos dakong alas-4:00 ng madaling araw habang armado ng baril kaya maingat nila itong nilapitan saka sinunggaban ang hawak na isang cal. 38 revolver na may tatlong bala.

Nang hanapan ng mga kaukulang dukomento hinggil sa legalidad ng nasabing baril ay walang naipakita ang suspek na naging dahilan upang pinosasan siya ng mga pulis.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act).