April 20, 2024

Nanlaban, drug suspect todas sa Malabon buy bust

Nasawi ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Joel Villanueva ang suspek na si Erwin Arcega, 39 ng 41 Dr. Lascano St. Brgy. Tugatog na hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan.

Ayon kay Col. Villanueva, dakong 10:40 ng gabi nang magsagawa ng buy bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kontra sa suspek sa P. Concepcion, Brgy. Tugatog.

Nabatid sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol na habang nagaganap ang transaksyon sa pagitan ng suspek at ng isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ay napansin ni Arcega na parak ang kanyang katransaksyon.

Agad naglabas ng baril ang suspek at pinutukan ang poseur-buyer na naging dahilan upang mapilitan namang gumanti ng putok ang back-up na operatiba hanggang sa tamaan si Arcega sa katawan kaya’t isinugod ito ng mga pulis sa naturang pagamutan.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang ca. 38 revolver na kargado ng dalawang basyo ng bala at tatlong bala, dalawang basyo ng bala ng cal. 9mm, isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at wallet na naglalaman ng assorted ID’s, P650 cash.

(30)