April 20, 2024

MOTORSIKLO SUMALPOK SA KOTSE, RIDER TODAS

Todas ang isang rider matapos dumulas at sumemplang ang minamanehong motorsiklo saka sumalpok sa isang papalikong kotse sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa Caloocan City Medical Center sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktima na kinilalang si Juanito Angala, 44-anyos, may-asawa at residente ng Blumentrit Extension, Sampaloc Manila.

Nahaharap naman sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide with Damage to Property ang driver ng Toyota Vios na kinilalang si Francisco Manuel, 53, taxi driver at residente ng San Basilio Santa Rita Pampanga.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong alas-8:40 ng Linggo ng gabi sa kahabaan ng Rizal Avenue Extention corner 3rd Avenue, Brgy. 45 ng nasabing lungsod.

Binabagtas ng biktima ang naturang lugar patungong Manila lulan ng kanyang minamanehong motorsiklo at pagsapit sa kanto ng 3rd Avenue ay aksidente siyang dumulas dahil sa madulas na kalsada.

Sumemplang umano ang biktima bago sumalpok sa kanang bahagi ng papalikong kotse na naging dahilan upang magtamo ito ng matinding pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan kaya’t agad siyang isinugod sa naturang pagamutan subalit, hindi na rin umabot ng buhay. (JUVY LUCERO)