April 18, 2024

Misis, kabit ‘sumabit’ nang mahuli ni mister

SILANG, CAVITE – Huli sa akto ng isang mister ang kanyang misis at ang kalaguyo nito na nakahubo’t hubad sa isang motel sa Barangay Sabutan ng nabanggit na bayan, dakong alas-2:30 noong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang biktimang mister na si Sonny Erickson Lozano, 38, isang Overseas Filipino Worker (OFW), habang kinilala naman ang mga suspek na sina  Luzviminda Lozano, 39, (asawa ng biktima) at ang kalaguyo nito na si Christopher Lapuz, 36, mga pare-parehong residente sa nasabing lugar.

Base sa report ng Silang Municipal Police Station nadiskubre ng biktimang si Sonny Erickson, ang relasyon ng kanyang asawa at ng kalaguyo nito na si Lapuz, sa pamamagitan ng mga text at chat sa cell phone ng kanyang misis na may usapan na magtatagpo ang mga ito kaya’t palihim na sinundan ng biktima ang magkalaguyo na nag-check in sa Marle Hotel sa naturang lugar.

Mabilis naman humingi ng tulong sa mga naka-duty na barangay tanod ang biktima at agad pinuntahan ang kuwarto na pinasukan ng dalawa at doon na tumambad sa biktima at sa mga rumespondeng tanod ang mga hubad na katawan ng kanyang misis at ng kalaguyo nito na agad naman inaresto at dinala sa himpilan ng pulisya.

Nakakulong na ngayon ang asawang babae ng biktima at ang kalaguyo nito sa Silang Municipal Lock up Cell  at idenemanda ng kasong Adultery. (KOI HIPOLITO)