March 28, 2024

MILWAUKEE BUCKS, MINASAKER ANG BULLS, HEAT, DINAGIT NG HAWKS

Minasaker ng Milwaukee Bucks ang Chicago Bulls sa Game 3 ng NBA playoffs East Round 1. Pinulbos ng Bucks ang sungay ng Bulls sa break-away win, 111-81. Na nagpatahimik at nagpadismaya sa fans ng Chicago. Bumida sa panalo ng Bucks si Grayson Allen na kumamada ng 22 points at 6 boards.

Nag-ambag naman si Giannis Antetokounmpo ng 18 points at 9 assists. Habang si Bobby Portis ay lumagare ng 18 points at 16 boards. Si Jrue Holiday naman ay pumoste ng 19 points.

Sa panig naman ng Bulls, kumana si Nikola Vucevic ng 19 points. Bumuslo naman si DeMar DeRozan ng 11 points at 5 rebounds.

Bukod sa nasabing laro, dinagit naman ng Atlanta Hawks ang Miami Heat sa Game 3, 111-110. Sineyuhan ng floater shot ni Trae Young ang panalo. Malaki rin ang naitulong ng 31-11 run ng Hawks sa 4th upang lampasan ang Heat.

Naglista si Young ng 24 points, 8 assist at 4 boards sa Hawks. Nanguna naman si Jimmy Butler sa Heat sa pagtipa ng 20 points.