March 29, 2024

Mag-live-in partner arestado sa P340-K halaga ng droga

TIMBOG ang isang mag live-in partner matapos makumpiskahan ng nasa P340,000 halaga ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

          Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Elpidio Francisco Jr, 55, at Ruby Mateo, 41, kapwa ng no. 1 IIaIim ng Tulay, Brgy Unang Sigaw, Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PEMS Restie Mables, dakong alas-11 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan Jr. kontra sa mga suspek sa Gen T De Leon Market, Brgy. Gen T De Leon, ng lungsod.

Nagawang makapagtransaksyon ni PCpl Arvin Lirag na nagpanggap na poseur-buyer sa mga suspek ng isang sachet ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P1,000 marked money mula sa poseur-buyer ay agad lumapit ang back-up na sina PCpl Kenneth Marcos at PCpl Mario Marten III saka inaresto si Francisco at Mateo.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang sa 50 gramo ng shabu na tinatayang nasa P340,000.00 ang halaga, buy-bust money at dalawang cellphone. JUVY LUCERO