April 25, 2024

Lalaking dinukot at nagviral sa social media, sinalvage tinapon sa Quezon

SARIAYA, QUEZON – Nadiskubreng wala ng buhay nakatali ang mga kamay at nakabalot ng packaging tape ang mukha at may tama ng bala sa ulo at likod ang isang biktimang lalaki na dinukot ng mga armadong grupo sa isang gasolinahan sa bypass road sa bayan ng Taal sa Batangas noong Miyerkules ng gabi na na-gviral din sa social media matapos itong matagpuang patay sa gilid ng Eco Tourism Road sa Sitio Pontor, Barangay Bignay 2 ng nabanggit na bayan bandang 6:50 ng umaga ng Huwebes ng mga nagdaraang residente.

Ayon sa Sariaya Municipal Police Station kinilala ng mga kamag anak na dumating sa crime scene ang biktima na si Eugene Beltran Del Rosario, nasa hustong gulang at residente sa bayan ng Lemery, Batangas.

Matatandaan na nakuhanan pa ng CCTV footage sa gasolinahan ang pagdating ng dalawang SUV na kulay silver sakay ang nasa walo hanggang sampung armadong grupo at  sapilitang kinuha at isinasakay ang biktima na narinig pa ang pagsigaw at paghingi ng tulong sa mga taong nasa paligid at mabilis na umalis ang mga suspek dala ang biktima.

Ayon naman sa kinakasama ng biktima na si Jane Cabello, galing sa Maynila ang kanyang live-in-partner na dating delivery rider at kababa lamang ng bus at pauwi na ng kanilang bahay sa Lemery ng maganap ang nangyaring pagdukot.

Base naman sa naging paunang imbestigasyon ng Batangas PNP lumalabas na sangkot at miyembro ng “Bukas Kotse Gang” di umano ang biktima at posibleng mga kasamahan sa sindikato ang dumukot at pumaslang sa biktima.

Nagsasagawa na ng technical at autopsy examination sa bangkay ang Scene of the Crime Operatives o SOCO para alamin ang posibleng pagkatao ng mga pumaslang sa biktima. (KOI HIPOLITO)