April 23, 2024

LALAKI PATAY SA PAMAMARIL SA CALOOCAN

TODAS ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan ang biktima na kinilala bilang si Ricardo Perol, 44-anyos at residente ng Brgy. 176, Bagong Silang.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente sakay ng isang motorsiklo.

Sa pahayag ng ilang saksi sa insidente, dakong alas-11 ng gabi nang makarinig sila ng dalawang putok ng baril hanggang sa makita na lamang ang biktima na duguang nakahandusay sa kahabaan ng Bagumbong Road, Brgy. 176, Bagong Silang.

Napag-alaman na dati na umanong nakulong ang biktima dahil sa ilegal na droga habang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Patuloy naman ang follow up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa motibo sa pagpatay sa biktima.