April 24, 2024

KELOT KULONG SA SHABU AT PAGNANAKAW NG BISIKLETA SA MALABON

BAGSAK sa kulungan ang isang kelot matapos magnakaw ng bisikleta at makuhanan pa ng shabu sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang suspek bilang si Raizon Dela Cruz, 20 ng Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa imbestigasyon ni PMSg Randy Billedo, unang tinangay ng suspek ang bisikleta ni Mark Bryan Moreno, 22, online seller, habang nakaparada sa harap ng kanilang bahay sa No. 52, Anonas Road, Brgy. Potrero subalit, nakita siya ng biktima.

Humingi ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Garry Ignacio na nagsasagawa ng mobile patrol na naging dahilan upang habulin ang suspek hanggang sa makorner at maaresto dakong alas-10:30 ng gabi.

Nabawi ang bisikleta ng biktima na nagkakahalaga sa P8,000 subalit, nang kapkapan siya ng mga pulis ay nakuha pa sa pag-iingat ni Dela Cruz ang tinatayang 7.9 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P53,720.00.

Bukod sa kasong pagnanakaw, mahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.