April 23, 2024

KELOT KULONG SA PANANAKIT AT PANGHAHABLOT NG CELLPHONE


Kulungan ang kinabagsakan ng isang 21-anyos na snatcher matapos hablutin ang mobile phone ng isang dalaga at sinamapak pa ang nagmalasakit na vendor Martes ng hapon sa Malabon City.

Nabawi ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 sa suspek na si Syruz Bronuela, residente ng No. 10 Lingkod Nayon, Brgy. Tugatog ang hinablot niyang touch screen mobile phone kay Sharina Marie Salor, 32 ng 13 Consuelo St. Brgy. Acacia matapos masakote sa ginawang follow-up operation.

Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting kay Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, kausap ng biktima sa video call ang isa niyang suki sa pagtitinda sa harap ng kanyang tirahan dakong alas-5:30 ng hapon nang lapitan ng suspek at marahas na hinablot ang kanyang cellular phone.

Humingi ng saklolo ang biktima na tinugunan naman ng kanyang pinsan na si Salmer Dela Cruz, 34, subalit nang patungo na sa barangay hall ng Brgy. Tugatog ang dalawa upang magreklamo, biglang sumulpot muli ang suspek at sinapak sa mukha si Dela Cruz.

Nahaharap ngayon sa mga kasong robbery snatching at physical injury si Bronuela sa piskalya ng Malabon City.