April 25, 2024

Vice President Sara Duterte bumisita sa Navotas

MALUGOD na tinanggap ng mga Navoteño sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco si Vice President Inday Sara Duterte nang muling bumisita ang pangalawang pangulo sa Navotas City.

Nagtungo ang pangalawang pangulo sa Brgy. Tangos North upang personal na maipaabot ang kanyang pasasalamat sa mga residente ng barangay at magbigay ng gift packs.

Nasa 500 benepisyaryo ang nakatanggap ng “Pasasalamat” gift packs na naglalaman ng face masks, alcohol, mosquito repellent lotion, school supplies, at food items tulad ng spaghetti pasta at sauce, chocolate soy milk, at mga biscuit.

Pinayuhan naman ng Pangalawang Pangulo na kasalukuyan ding Secretary ng Department of Education (DepEd) ang mga kabataan ng Navotas na mag-aral nang mabuti upang makamit ang kanilang mga pangarap sa buhay.

Nagpasalamat din si VP Sara sa magkapatid na Tiangco dahil sa ibinigay nilang suporta sa kanya at kay President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr noong nakaraang May 9 polls.

Pinuri at pinasalamatan naman ng Tiangco Brother’s ang Pangalawang Pangulo dahil hindi nito nakalimutan ang kanilang mga mamamayan at lubos anila pinahahalagahan ang kanyang patuloy na pagmamalasakit at suporta sa mga Navoteño.

Dumalo rin sa event sina Valenzuela City Congressman REX Gatchalian at 1st District Councilor Idol Marlon Alejandrino.