April 24, 2024

HELPER MALUBHA SA PAMAMARIL SA MALABON

MALUBHA ang isang helper matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kaliwang pisngi ang biktimang si Daniel Delos Santos, 21 ng Blk 20 Lot 72 Phase 2 Area 4, Brgy. Longos.

Ipinag-utos naman ni Malabon police chief Col. Albert Barot sa kanyang mga tauhan ang follow-up imbestigasyon para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa dalawang suspek na nakasuot ng puting jacket at pants habang ang isa ay nakasuot ng yellow jersey at shorts pants.

Sa imbestigasyon ni PSSg Diego Ngippol, unang nag-inuman ang biktima at kanyang tatlong kaibigan sa loob ng JKHEN Motor Parts Shop sa No. Leono St. Brgy. Tanong ng lungsod.

Habang naglilinis sila ng kanilang kalat matapos ang tagayan dakong ala-1 ng madaling araw ay dumating ang mga suspek kung saan nagsilbing look-out ang isa habang pumasok naman sa loob ng shop ang gunman saka binaril ang biktima.
Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungong C4 Road samantalang isinugod naman ang biktima ng kanyang mga kaibigan sa nasabing pagamutan habang inaalam pa ng pulisya ang motibo sa insidente.