March 28, 2024

ALYAS DUTERTE TIMBOG SA DROGA!

BAGSAK sa kulungan ang isang drug pusher na kilala sa alyas na “Duterte” matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.

Inakala ni Aslane Gandalane,  alyas “Duterte”, 26 tubong Marawi City at residente ng Block 5, Phase 4, Package 4, Power Line, Brgy. 176, Bagong Silang na lehitimong buyer at drug addict si Pat. Daryl Villanueva nang bumili sa kanya ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 dakong alas-3:00 ng madaling araw sa harap ng kanyang tirahan.

Ang hindi alam ng suspek, nakaabang na sa kanya ang mga tauhan nina Maj. Raymond Nicolas, hepe ng Station Intelligence Branch at Capt. Deo Cabildo ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kaya’t nang tanggapin ang marked money, kaagad siyang dinakip ng mga pulis sa pangunguna ni Cpl. Jimmel Mayhay.

Humigit kumulang na 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000, digital weighing scale at ang markadong salapi ang nakuimpiska mula kay Gandalane.

Ayon kay Maj. Nicolas, sinimulan na nilang bantayan ang aktibidad ni alyas Duterte matapos pumutok ang pangalan nito sa Brgy. Bagong Silang na siya umanong responsable sa pagbebenta ng shabu sa kanilang barangay.