March 28, 2024

Drug suspect itinumba sa Malabon

Nasawi ang isang lalaki na hinihinalang sangkot sa illegal na droga matapos barilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa ulo si Jerome Josue, 27 ng 64 Damson St. Brgy. Dampalit.

Sa pahayag sa pulisya ng dalawang saksi na sina Mark Anthony Aleta, 27 ng Brgy. 8 Caloocan City at Marlon Bocabo, 29 ng Letre Road, Tonsuya, Malabon City, naganap ang insidente dakong alas-8:20 ng gabi sa kahabaan ng Damson Street.

Galing sa pagbibisikleta ang dalawang saksi at nagpahinga sa naturang lugar nang makita nila ang biktima, kasama ang dalawang suspek na naglalakad patungo sa lugar ng pangisdaan. Nagsalita pa ang biktima sa mga saksi na tinutugis nila ang illegal na nangingisda sa lugar.

Ilang minuto ang nakalipas, nakarinig ng putok ng baril ang mga saksi at nakita nila ang dalawang lalaki na tumatakbo patungong Bautista St., Brgy. Dampalit habang naiwan ang nakahandusay na katawan ng biktima.

Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng SOCO sa crime scene ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa foil at patalim mula sa biktima.

Ani Col. Barot, patuloy ang follow-up operation ng kanyang mga tauhan para sa posibleng pagkakaaresto sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.