April 24, 2024

Baril hindi pumutok; kelot nakaligtas kay kamatayan


NAGAWANG makaligtas sa kamatayan ang isang driver matapos dalawang beses siyang barilin ng kapwa driver subalit hindi pumutok ang baril ng suspek sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Jessie Tamayao ang suspek na si Lawrence Chico, 37, ng 23 Kasarinlan St. Brgy. Muzon na nahaharap sa kasong attempted murder in relation to R.A 10591.

          Batay sa imbestigasyon nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Jose Romeo Germinal, dakong alas-8:05 ng gabi, nagkukuwentuhan sa Kasarinlan St. Brgy. Muzon ang biktimang si Jonathan Perez, 27, ng Sitio Sto. Niño Brgy. Concepcion at saksing si John Dacles, 21, ng 2 Kasarinlan St. nang banggain ng suspek na lango sa alak sa balikat si Dacles.

          Sa halip na magalit ang biktima at saksi, humingi pa sila ng pasensya sa suspek subalit pinagsalitaan pa sila nito ng hindi maganda saka umalis.

          Makaipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek na may bitbit na baril saka dalawang beses na binaril ang biktima subalit, hindi pumutok ang baril.

          Matapos nito, tumakas ang suspek habang humingi naman ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng PCP-5 na nagresulta sa pagkakaaresto kay Chico at narekober sa kanya ang isang cal. 22 revolver at limang bala nito. (JUVY LUCERO)