March 29, 2024

4-ANYOS NA ANAK HINALAY NI TATAY

Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang delivery man matapos halayin ang kanyang sariling 4-taong gulang na anak na babae sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Hindi na muna ibinulgar ni Navotas police chief P/Col. Dexter Ollaging ang tunay na pangalan ng 48-anyos na suspek upang ma-protektahan ang pagkakakilanlan sa biktima matapos siyang madakip nina Pat. Dean Adrian Marc Macaraeg at Pat. Javy Lopez ng Sub-Station 2 sa kanilang tirahan sa Brgy. Tangos South dakong alas-4 ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, una ng ginawan ng kahalayan ng suspek ang kanyang paslit na anak nang dalhin sa isang abandonadong bahay sa kanila ring barangay kamakailan lamang.

Ang hindi batid ng lalaki, palihim na nasundan sila ng nakatatandang kapatid ng biktima na syang nakasaksi sa ginagawang pangmomolestiya sa bata.

Sa takot ay nanahimik muna ang magkapatid subalit nito lamang Biyernes ng umaga, Nobyembre 26, puwersahang isinama ng suspek ang anak sa loob ng banyo ng kanilang tirahan at dito ay muling inabuso sa pamamagitan ng pagdadaliri sa kaselanan ng bata.

Dito na ipinasiya ng magkapatid na isumbong sa kanilang ina ang kahayupang ginagawa ng sariling ama na nagresulta sa pagkakadakip sa manyakis na suspek.

Nahaharap sa kasong Incestuous rape in relation to R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Navotas City Prosecutor’s Office.