April 20, 2024

18-anyos kulong sa pagnanakaw, tricycle, TV, cellphone at TVplus box

BAGSAK sa kulungan ang isang 18-anyos na teenager matapos mangarnap ng tricycle para kargahan ng mga ninakaw na telebisyon, TV plus box at cellphone sa Caloocan City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Joniel Tomas, may kinakasama, istambay, ng 35 Binata St., Brgy. 144, ng lungsod.

Sa ulat, alas-2:20 ng madaling-araw, nadiskubre ng biktimang si Gerald Minay, 33, ng 140 Loreto St. Morning Breeze, Brgy. 83, Caloocan na nawawala ang kanyang 32 pulgadang telebisyon, digital TV box, cellphone at charger at wasak na rin ang backdoor ng kanilang bahay.

Dumulog si Minay sa tanggapan Brgy. 83 at nang rebisahin ang CCTV footage ay nakita ang suspek na tangay ang mga nawawalang gamit ng biktima at ikinarga sa Mitsukoshi Daan Hari tricycle na may  body number na 38 na kinalaunan ay natuklasang ninakaw kay Leopoldo Prima, 67, tricycle driver, ng 175 General Mascardo St., Brgy., 143, ng lungsod.

Nang puntahan ng mga awtoridad ang suspek sa kanyang bahay ay tinangka nitong tumakas at nakipaghabulan subalit, nakorner din ito at nabawi lahat ang mga nakulimbat sa mga biktima. (JUVY LUCERO)